Tuesday, July 21, 2009
PANAHON NG PAGKILALA SA MUNDO
Para kay Mang Freddie ang Paglalayag ay
Panahon ng Pagkilala ng Mundo
Wilhelmina S. Orozco
Ang buhay ng isang seaman ay hindi biro. Sa loob ng barko, paulit-ulit araw-araw ang trabaho. Bago ka makakita ng isla, aabutin ka ng buwan-buwan at pagkatapos may panganib pa ngayon na ma-hostage ng mga pirata sa Aprika.
Subalit para kay Mang Alfredo Mendoza, isang retiradong seaman napawi lahat ng hirap niya sa pamumuhay sa Pilipinas mula ng naging seaman siya hanggang sa nagretiro siya sa loob ng 35 taon mula noong 1969 hanggang 2000. At hindi baleng mababa ang naging pusisyon niya sa barko,. Pangatlo naman siya sa mahahalagang pusisyon sa barko. Mataas na yun para sa kanya dahil hindi naman daw siya puwedeng tumaas pa duon dahilan sa hayskul gradweyt lang siya. Wala naman siyang pinag-aralang nautical science na requirement para sa mga magiging opisyal ng barko. Naging supervisor siya ng mga taong naglilinis, nagpipinta ng barko.
Sa mga naging karanasan niya sa paglalayag, ang pinakamagagandang pagkakataon niya ay sa Gresya, sa Hapon, sa Caribbean Islands, at sa Venice. Noong nasa Gresya siya, nagustuhan niya ang pagkain at ang mga tanawin, pati na ang mga tao. Natuto siya ng salitang Griyego dahil talagang nais niyang matuto. Araw-araw ay nag-aaral siya ng 2 salita, tulad ng “Thank you, I love you”. Apat na taon siya sa Gresya subalit sa loob ng isang taon ay natuto siya kaagad ng wika nito.
Sa Hapon naman, nagustuhan niya ito dahilan sa maganda ang bansa at disiplinado ang mga tao kaya umuunlad, wika niya. Kung bibili ka ng isang bagay sa halagang P5 kahit saan ka magpunta sa buong syudad, P5 rin ang halaga nito, hindi nag-iiba. At minsan nagtanong siya sa isang may-ari ng tindahan kung nasaan ang post office. Walang kaabug-abog na sinara nung may-ari ang kanyang tindahan at isinama siya kung nasaan ang post office.
Nagustuhan din ni Mang Freddie ang Caribbean Islands dahil sa klima, parang Pilipinas. Espanol ang salita na kanya ring naiintindihan dahilan sa ang Tagalog ay maraming salitang galling ditto. Parati rin siyang nasa tabi ng beach, sa pampang kung saan ay marahil naiisip-isip niyang sa kabila ng dagat ay mga isla na ng Pilipinas. Sa Venice naman ay natuwa siya dahilan sa ang mga kalye ay puro tubig at ang mga tao ay tumatawid ng mga bahagi ng syudad sa pamamagitan ng bangka.
Kung meron mang hindi magandang karanasan si Mang Freddie, ito ay noong nagretiro siya sa idad na 45 years. Forced retirement kung baga dahil kaya pa niyang maglayag noon. Kaya lang may isang batas daw na inihain si Edgardo Angara at naipasa ng Kongreso na nagtatakda ng retirement age. Dati rati noon, kahit 50 o 55 years old kayang maglayag. Pero ngayon ginawang 35 below.
Nagtapos si Mang Freddie ng hayskul sa Centro Escolar University kung saan naging kaeskwela niya si Nora Aunor. Hiwalay si Mang Freddie sa asawa niya subali’t sa halip na mag-migrate, siya ngayon ay nasa Pilipinas at aktibo sa kanyang born-again na simbahan ang Jesus Miracle Crusade International. Dito ay kasama-sama rin niya sina Mel at Nanding Pasion, mag-asawang mataimtim na dumadalo sa mga pagsamba na tinuturing siyang kapamilya. Ang misyon na lamang niya ngayon ay ang magsilbi sa Panginoon dahil para sa kanya natupad niya ang kanyang mga pangarap. Natupad niya ang kanyang mga pangarap, “I wanted to see the world,” (Nais kong makita ang mundo) at kumita siya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment